Duterte umamin na sa BPI account

http://www.abante.com.ph/news/nat/46190/duterte-umamin-na-sa-bpi-account.html

Inamin ni presidential bet Davao City M­ayor Rodrigo Duterte na pagmamay-­ari nga nito ang kontrobersyal na bank account.

May kinalaman ang usapin sa pinasingaw na expose ni Sen. Antonio Trillanes IV.

Gayunpaman, ayon sa kampo ni Duterte hindi totoo na P211M ang laman ng bank account gaya ng bintang ni Trillanes.

“Inamin niya (Mayor Duterte) sa kanya ang account pero ang laman lamang ay P17,500 at P50,000,” tugon ni PDP-Laban spokesperson Atty. Paola Alvarez.

Pag-uusisa pa ni Duterte at ng partido nito ay kung paano nakuha ni Sen. Trillanes ang impormasyon dahil hindi naman ito binigyan ng pahintulot.

“Ang tanong po niya (Mayor Duterte) ngayon saan nakuha ni Trillanes ‘yang impormasyon niya, kasi bawal po ‘yan…at ‘yung mga deposit-­deposit (ng mga bigtime na negosyante) hindi po totoo,” paglilinaw pa ng tagapagsalita ng PDP-Laban.

Tablado sa challenge

Tablado rin kay Duterte ang challenge ng Liberal Party (LP) standard bearer na pumirma sa isang waiver para mabuklat ang kani-kanilang bank accounts.

Ayon sa Duterte camp, hindi papatol sa pirmahan challenge ang alkalde ng Davao.

Unang-una, ito na ang naunang naghamon at lumagda na sa isang bank secrecy waiver kasama ang ka-tandem o running mate na si Sen. Alan Peter Cayetano.

Umapela rin ang Duterte camp sa bina­banggit na bangko na maglabas ng paglilinaw sa usapin.

“BPI should issue a clarification on the bank account,” sabi pa ng spokesman ng Davao mayor na si Atty. Peter Laviña.

Chiz pinuri sa ‘waiver’

Samantala, umani naman ng papuri si Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero sa social media noong Miyerkules dahil sa kanyang taunang pagsusumite ng waiver sa Ombudsman para ipakitang wala siyang itinatagong nakaw na yaman.

Simula noong 2010, kalakip na sa inihahain ni Escudero na taunang Statement of Assets, L­iabilities and Net Worth o SALN ang isang waiver na nagbibigay kapangyarihan sa Ombudsman na busisiin ang kanyang bank deposit.

Anang batikang mama­mahayag na si Inday Espina-Varona, ang dokumento na isinu­sumite ni Escudero sa Ombudsman ang tunay na waiver at hindi ang ipinagma­mayabang ng ilang pulitiko na naka­lagay sa malaking kartolina na pang-photo op lamang. Kailangan ng isang indibidwal na magsumite ng waiver dahil sa ilalim ng Republic Act No. 1405 o Bank Secrecy Act of 1955, mahigpit na ipinagba­bawal ang pagsi­siwalat o pagsusuri sa mga deposito sa bangko.